IBINUHOS ng militar ang kanilang puwersa, air, land and sea, ganoon din ang pulisya, para tugisin ang isang pangkat ng New People’s Army (NPA) na naka-enkuwentro sa Batangas City, may 94 kilometro ang layo sa Metro Manila.
Daan-daang pamilya ang napilitang lumikas kahapon nang umigting ang bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at NPA, na nagsimula sa enkuwentro ng militar sa mga rebelde sa Mt. Banoy sa Barangay Talumpok Silangan, Batangas City noong Linggo ng umaga.
Ayon kay Col. Arnulfo Burgos, commander ng 202nd Infantry Brigade, isang rebelde ang namatay at nasamsam ang ilang armas at bala mula sa pinaghihinalaang kampo ng NPA sa enkuwentrong tumagal nang 40 minuto.
Nagsama-sama aniya sa follow-up operations ang buong puwersa ng gobyerno para habulin ang mga rebelde sa pa-mamagitan ng paglalagay ng “PNP checkpoints, Phil. Coast Guard seaborne blockades, Army pursuit operations at close air support from the Philippine Air Force .”
Napaulat, sinuspendi ni Batangas City Mayor Beverly Dimacuha ang klase sa 15 paaralan hanggang ngayon (Martes) bunsod ng bakbakang AFP-NPA.
Nabatid na 50 pamilya ang pansamantalang nananatili sa Barangay Cumba at 87 pamilya sa Barangay Talahib Pandayan at sagot ng city government ang kanilang pagkain at gamot.
ni Rose Novenario