INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang Philippine National Police (PNP) na huwag mangiming itokhang o itumba ang kanyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte kapag napatunayang sangkot sa illegal drugs.
Sa kanyang talumpati sa Conferment Ceremony of Gawad CES and 2017 Outstanding Government Workers sa Palasyo kahapon, sinabi ng Pangulo, inabisohan niya mismo si Pulong na bibigyan niya ng proteksiyon ang sino mang pulis na makapapatay sa Vice Mayor kapag nagpositibo ang mga ulat na sabit sa illegal na droga.
“Ang sabi ko kay Pulong my order is to kill you if you are caught and I will protect the police who will kill you,” aniya.
Ipinaalala ng Pangulo na dati na niyang direktiba sa PNP na patayin ang sino man sa kanyang mga anak na nakasawsaw sa illegal drugs para patunayan na tunay ang kanyang krusada laban sa shabu.
“Ang order ko nga noon, ‘pag may anak ako na involved sa droga patayin n’yo para walang masabi ang tao,” dagdag niya.
Naging kontrobersiyal si Pulong nang isabit siya ni Sen. Antonio Trillanes IV sa pagpuslit sa Bureau of Customs (BOC) ng P6.4-bilyon halaga ng shabu.
Maging ang tattoo sa likod ni Pulong ay nais ni Trillanes na ipakita sa publiko dahil ito’y simbolo umano ng pagiging miyembro ng bise-alkalde sa triad.
(ROSE NOVENARIO)