TRABAHO sa gobyerno at pasok sa mga pampublikong paaralan ang suspendido bukas, 21 Setyembre alinsunod sa idineklarang National Day of Protest ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inilinaw kahapon ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Inaasahan aniya na maglalabas ng memorandum circular ang tanggapan ng Executive Secretary na mag-aanunsiyo na suspendido ang mga klase at trabaho sa pamahalaan bukas.
“It is not a special non-working holiday and we expect the proclamation to be signed shortly. However, the acting Executive Secretary will issue a Memorandum Circular suspending work in government offices both national and local, as well as classes in all public schools, state colleges and universities,” ani Abella.
“Certain government agency shall be required to provide standby emergency assistance near sites of protest actions,” dagdag niya.
Malaya aniya ang pribadong sektor na magdeklara rin ng “suspension of work and classes” sa National Day of Protest.
Bukas gugunitain ng mass organizations ang ika-45 anibersaryo ng martial law at inaasahang kabi-kabilang kilos-protesta ang ilulunsad para ipaalala ang lagim na idinulot ng batas militar sa Filipinas.
Kamakalawa, hinimok ni Pangulong Duterte ang lahat ng mamamayan na sumali sa mga rally, maging ang media at siya mismo ay sasama umano sa magpo-protesta sa maliit na sahod.
(ROSE NOVENARIO)