HINDI na magbibigay ng update sa publiko ang Palasyo hinggil sa bakbakan ng militar at Maute terrorist group sa Marawi City.
Inihayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, pinayohan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Malacañang na tumigil muna sa pagbibigay ng impormasyon sa mga mamamayan hinggil sa Marawi crisis.
Maaari aniyang lalong malagay sa panganib ang buhay ng mga bihag ng mga terorista, at pati ang mga sundalo, na nasa yugto na ng close quarter battle ang pakikipaglaban sa Maute group.
“As per guidance from the Armed Forces of the Philippines (AFP), we refrain from making comments on the latest developments in the main battle area of Marawi at this time; as ongoing operations may be jeopardized, as well as the lives of the remaining hostages, or soldiers in the frontlines,” ani Abella.
Kapag bumuti na aniya ang kondisyon sa Marawi ay itutuloy ng Palasyo ang pagbibigay ng update sa krisis sa siyudad.
“We will provide information and other pertinent details as soon as conditions on the ground allow us. Thank you for your understanding. We covet your unceasing intercession for the safety of all, and lasting peace in Marawi,” dagdag niya.
Halos apat buwan nang ipinatutupad ang batas militar sa Minda-nao mula nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi at hanggang ngayo’y naniniwala ang militar na nasa loob pa rin ng siyudad sina Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) Southeast Asia emir at Abu Sayyaf group (ASG) leader Isnilon Hapilon, at Maute leader Omar Maute.
ni ROSE NOVENARIO