WALANG indikasyon na may kakayahan pa ang maka-kaliwang grupo na maglunsad ng mga kilos-protesta kagaya ng Sigwa ng Unang Kuwarto o First Quarter Storm na nagbigay daan sa pagdedeklara ng batas militar noong 1972.
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, base sa pagtataya ng intelligence community, hindi makapagsasagawa nang malakihang rally ang mass organizations gaya noong FQS bago ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar noong 21 Setyembre 1972. “Our intelligence people or hidden… our field people cannot… do not have any indication that magkakaroon ng talagang malakihan na katulad noong mga nakaraan taon, mga…ni Marcos na magkakaroon ng ganoong klase. We do not have that indications in our reports,” aniya.
“But I don’t think the possibility that the left will be able to conduct a massive ano, massive demonstration across the country, disrupting the civil government or the lives of the people, e hindi naman siguro mangyayari ‘yun,” dagdag niya.
Malabo aniyang ideklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa buong bansa dahil hindi naman makaaapekto sa ordinaryong buhay ng mga mamamayan ang mga isasagawang rally ng mga maka-kaliwang grupo.
“Sinabi na rin niya ang rason e. But I don’t think — sa aking pananaw naman, estimate ko — very remote naman mangyari. Pero si Presidente lang kasi is very concerned that it might get out of hand. So sabi niya, ‘I might declare martial law.’ But I don’t think the possibility that the left will be able to conduct a massive ano, massive demonstration across the country, disrupting the civil government or the lives of the people, e hindi naman si-guro mangyayari ‘yun,” ani Lorenzana.
Wala rin aniyang ulat mula sa lokal na pamahalaan na maraming lalahok sa inianunsiyong malaking pagkilos para gunitain ang ika-45 anibersaryo ng batas mi-litar ni Marcos.
“Even the civilian LGUs, wala rin naman silang nararamdaman sa baba e,” dagdag niya.
Ang FQS ay serye ng malakihang rally mula Enero hanggang Marso 1970 na naging marahas, bilang pagkondena sa krisis pang-ekonomiya at imperyalismo.
Malaking papel ang ginampanan ng mga kabataang estudyante sa FQS at sa mga sumunod pang mga rally hanggang maganap ang pambo-bomba sa Plaza Miranda noong 21 Agosto 1971.
Ang ‘pekeng ambush’ noong 22 Setyembre 1972 kay noo’y Defense Minister Juan Ponce-Enrile ang nagtulak kay Marcos para ianunsiyo na isinailalim na niya ang buong bansa sa batas militar noong 21 Setyembre 1972.
ni ROSE NOVENARIO