IMBES ang maingay na alagang aso ang kinatay, ang ginang na amo ng hayop ang pinagtulungang tagain hanggang mamatay ng kanyang mga kapitbahay sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktimang si Jovy Evelyn Candelaria, 47, store owner, at residente sa 31 Upper Lanzones St., Brgy. Payatas Area B, ng nabanggit na lungsod.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Marcelo, alyas Rey, at dalawang kinikilala pa ng pulisya, pawang nakatakas makaraan ang insidente. Sa imbestigasyon, dakong 7:30 pm nang pasukin ng apat ang tindahan ni Candelaria sa harap ng kanyang bahay.
Bago ang krimen, ayon kay Nieves Rosario, nasa loob siya ng bahay nang marinig ang sumisigaw na biktima na humihingi ng saklolo.
Paglabas ni Rosario nakita niya sina Rey at Marcelo kasama ang dalawa pang lalaki na armado ng itak, at patalim na pilit pinapasok ang tindahan ni Candelaria.
Sinubukan Rosario na awatin ang mga suspek ngunit nang malaman na pawang lasing ay ipinaalam niya sa barangay hall ang insidente.
Mabilis na nagres-ponde ang mga barangay official ngunit inabutan nilang wala nang buhay ang biktima at tadtad ng saksak.
Ayon sa pulisya, posibleng motibo sa krimen ang pagrereklamo ng biktima laban kina Rey at Marcelo sa kanilang barangay kaugnay sa bantang kakatayin ng mga suspek ang alagang aso ng ginang dahil sa nakaiiritang ingay ng kanyang alaga.
Bagamat, inaalam din ng pulisya kung mayroon pang ibang motibo sa krimen bukod sa iniimbestigahan din kung sangkot sa droga ang mga suspek.
(ALMAR DANGUILAN)