BIBIGYAN ng tatlong kahilingan ang overseas Filipino worker (OFW) na si Jennifer Dalquez, 30 anyos, para mabigyan ng kabuhayan at proteksiyon ang kanyang pamilya gayon din sa pagdalaw sa kanyang dalawang supling habang siya’y nakapiit sa United Arab Emirates, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) office of migrant workers affairs director Rose Fangco.
Nasagip sa parusang kamatayan si Dalquez, sa pakikipagtulungan ng pamahalaan sa UAE. Napatawan ng death penalty ang OFW sa pagpatay sa kanyang employer na nagtangkang gahasain siya nang nagtatrabaho bilang domestic worker noong 2014.
Sa pagdinig ng kaso noong 19 Hunyo 2017, nagdesisyon ang Court of Appeals sa Al Ainna, inosente si Dalquez, nang walang diyyah o kabayaran ng blood money. Sa pagbaba ng parusa, makukulong si Dalquez nang limang taon dahil sa pagnanakaw ng isang mobile phone.
Depensa ni Dalquez sa krimen, iniligtas niya ang kanyang sarili sa tangkang panggagahasa ng kanyang employer noong 7 Disyembre 2014.
Ipinataw ng Court of First Instance of Al Ain ang death sentence kay Dalquez noong 20 Mayo 2015 at iniapela ito sa tulong ng mga abogado ng pamahalaan.
ni Tracy Cabrera