ISANG political ISIS si Sen. Antonio Trillanes IV, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Pangulong Duterte, nakatutok sa kanyang ‘kamangmangan’ si Trillanes, isang political ISIS, walang talento at hindi alam ang pagkakaiba ng isang democrat kompara sa miyembo ng partido.
Si Trillanes aniya ay kagaya ni Magdalo party-list Gary Alejano na walang alam sa batas.
“‘Yan ang problema, parehas sila ni Alejano. They file cases without really knowing the law. ‘Yung kay Trillanes naman, ABC, sinabi ni B na si C daw ang nagsabi sa kanya. That’s not evidence, ‘yung pasa-pasa.
“A sinabi ni ano na ‘yun raw siya.” But they persist because either they’re dedicated to their ignorance o… ito si [Trillanes], political ISIS. Wala siyang talent. He will not… he does not even know between a democrat and a member of a party. How can I expect — kasi kulang. Actually kulang ‘yung nalaman niya sa buhay,” anang Pangulo sa media interview sa birthday party ni Davao Rep. Karlo Nograles.
Ipinaalala ni Duterte na ang ipinakitang kagasapangan ng pag-uugali ni Trillanes sa Senado kamakailan, na nakipagsagutan kay Sen. Richard Gordon ay puwede siyang parusahan o mapatalsik batay sa patakaran ng Kongreso.
“But we have to forgive him. Hindi niya alam ang ginagawa nila e. Pagka inaway niya si Gordon, gano’n, insisting on something which cannot be done legally, that’s in the… sa conduct nila, it’s unruly behavior. And they can always be punished for that and even ousted from the Senate. Ipipilit mo ‘yang illegal na… hindi naman puwedeng talaga,” anang Pangulo.
Matatandaan, nagsagutan sina Gordon at Trillanes sa Senate hearing sa P6.4 bilyon drugs na lumusot sa Bureau of Customs, nang ipilit ng huli na ipatawag sa susunod na pagdinig sina presidential son at Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at presidential son-in-law Mans Carpio.
(ROSE NOVENARIO)