ABALA sa kanyang trabaho bilang senador, kaya hindi na magkakaroon ng rematch ngayong taon si Manny Pacquiao kay Jeff Horn para sa WBO world welterweight belt.
Masyadong maiksi para sa Pambansang Kamao, Pacquiao ang proposed November 12 bout.
Pinayuko ni Horn si Pacquiao sa unanimous decision sa Brisbane noong July 2, pagkatapos ng laban sinabi ng Pinoy boxer na gusto nito ng rematch.
“On behalf of the Philippines government, he (Pacquiao) will be part of a delegation that will visit China in the middle of his proposed preparation period for the fight,” saad ni local promoter Dean Lonergan. “Pacquiao is committed to fighting again in 2018 and a rematch with Jeff Horn for the WBO world welterweight title.”
Posibleng si American contender Jesse Vargas, dating world title holder ang maaaring pumalit kay Pacquiao para labanan si Horn.
Pinagpag ni Pacquiao si Vargas via unanimous decision nitong nakaraang November sa Las Vegas.
Isang linggo pagkatapos matalo sa dating school teacher Horn, sinabi ni Pacquiao na hindi ito kombinsido sa unanimous decision na nagresulta ng kanyang pagkatalo sa welterweight title.
Ayon sa WBO, tatlo sa limang independent judges na sumuri sa score card ay pumabor kay Horn, isa kay Pacquiao at ang isa ay draw.
(ARABELA PRINCESS DAWA)