BILANG proteksiyon sa mga pulis ng Ozamiz City na ‘kinakalambreng’ resbakan, makaraang hugutin ang kanilang hepe na si Senior Inspector Jovie Espenido, nag-alok ng P5-milyong pabuya si Pangulong Duterte para sa ikadarakip ni Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog.
Si Ardot ay wanted noon pang 30 Hulyo 2017 makaraan makatakas nang salakayin ng mga awtoridad ang kanyang bahay dahil sa pagtatago ng armas at illegal drugs.
Namatay sa nasabing police raid ang kapatid ni Ardot na si Mayor Reynaldo, asawa, at pinsan. Habang ang pamangkin niyang si Vice Mayor Nova Princess Parojinog ay kasalukuyang nasa kaloboso.
Hindi nagustuhan ng Pangulo ang nakarating sa kanyang impormasyon na natatakot ang mga pulis sa Ozamiz na baka balikan sila ni Ardot sa paglisan ni Espenido bilang hepe dahil inilipat na sa Iloilo City.
Nagbabala si Duterte na magtatatalaga ng isang batalyong sundalo sa Ozamiz City upang makontrol ang siyudad sa pag-alis ni Espenido.
ni ROSE NOVENARIO