IPINABUBUSISI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pagkakautang ng malalaking negosyante sa gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng TESDA kagabi, ipinahiwatig ng Pangulo na sisingilin ng kanyang administrasyon ang mga utang ng mga dambuhalang kapitalista gaya ng mga Prieto sa Mile Long Property.
Sinabi ng Pangulo, ang mga Lopez ay may pagkakautang din sa gobyerno partikular sa Development Bank of the Philippines (DBP).
Matatandaan, naging kontrobersiyal ang ulat na nalugi ang gobyerno nang ‘burahin’ ng DBP ang utang ng Benpres Holdings na nagkakahalaga ng P1.6 bilyon.
Ang ABS-CBN ay isa sa mga kompanya ng mga Lopez sa ilalim ng Benpres at paboritong batikusin ng Pangulo dahil sa na-estafa ang ibinayad niya para sa political advertisement na hindi inilabas ng estasyon noong nakaraang eleksiyon.
Noong Pebrero 2016, nilagdaan ni noo’y Pangulong Benigno Aquino III ang Executive Order No. 198, na nagtatakda nang pagsasanib ng DBP at Land Bank of the Philippines (LBP).
(ROSE NOVENARIO)