NAGSISILBING espiya ni Sen. Panfilo Lacson ang dalawang opisyal ng Bureau of Customs (BoC) na nabutata ang raket sa pag-upo ni Captain Nicanor Faeldon sa kawanihan mula noong isang taon.
Sinabi ng source, isa sa “mole” ni Lacson sa kanyang tara expose ay isang abogado na sinibak ni Faeldon sa pagbibigay ng permiso sa kompanya ng anak na si Panfilo “Pampi” Lacson, Jr., na makapag-angkat nang barko-barkong semento na nagkakahalaga nang bilyon-bilyong piso kahit ang paid-up capital nito ay P20,000 lamang. Ang abogado, bukod sa ‘close’ umano kay Pampi ay kadikit din ng anak ng kilalang personalidad sa destabilization group ng mga nakaraang administrasyon.
“Nagdurugo ang puso ni attorney dahil nasilat ang ambisyon niyang maging deputy commissioner sa Customs dahil sa pagsibak sa kanya ni Faeldon,” anang source.
Bukod sa Boujourno ni Pampi, ginagamit din umanong import companies ng abogado at anak ng destabilizer ang tatlo pang trading companies. Habang ang isa pang espiya umano ni Lacson, ayon sa source, ay isang prominenteng opisyal sa Customs na padrino ng malalaking players sa Aduana na hindi isinama ng senador sa kanyang “tara expose.”
“Parang promotion system dati sa PNP na ‘snowpaked’ ang mga pangalan nina alyas Weng, Hilda, Don-don, John at Alex sa expose ni Lacson sa big-time players sa Aduana. Ang binasa ni “Mr Clean ay listahan noong panahon pa ni Erap Estrada,” dagdag ng source.
(ROSE NOVENARIO)