ITNUTURING na malaking istorya ang expose ni outgoing Customs commissioner Nicanor Faeldon hinggil sa ‘pagpapalusot’ ng anak ng isang senador ng barko-barkong semento sa iba’t ibang puerto ng bansa pero hindi ito lumabas sa ahensiya ng pagbabalita ng pamahalaan — ang Philippine News Agency (PNA).
Tila naiskupan ang mismong ahensiya sa pagbabalita ng pamahalaan nang hindi ito makita sa kanilang website kahapon.
Hindi pa nalilimutan ng publiko ang palpak na paggamit ng PNA sa logo ng Dole Philippines Inc., para sa balita na ang tinutukoy ay Department of Labor and Employment (DOLE).
Ngunit kahapon, muling nasalang ang kredebilidad ng PNA nang mapansin na hindi lumabas ang balita tungkol sa expose ni Faeldon sa cement smuggling na kinasasangkutan ni Panfilo “Pampi” Lacson Jr., anak ni Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Kung si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay bilib pa rin kay outgoing Customs Commissioner Faeldon, tila hindi ang PNA.
‘Naiskupan’ ang PNA ng lahat ng diyaryo, telebisyon, radio at online news sites sa ginawang pagbubulgar ni Faeldon sa umano’y pagkakasangkot ng anak ni Lacson na si Pampi Jr., sa smuggling ng multi-bilyong halaga ng semento.
Pero higit na naging kataka-taka kung bakit hindi napalathala sa PNA ang pasabog ni Faeldon kamakalawa ng umaga laban kay Lacson ngunit ang tatlong pagbatikos sa outgoing Customs commissioner ay ibinalita ng state-owned news website buong araw kamakalawa.
Habang ang ang photo release ni Lacson kasama sina Senate President Aquilino Pimentel, Jr., at bagong kompirmang Philippine Ambassador to US Jose Manuel Del Gallego Romualdez ay ginamit sa PNA.
Sa panayam ng Hataw kay Joel Egco, Presidential Task Force on Media Security chief, at isa sa bumubuo sa PNA board of editors, sinabi niyang agad aalamin ang dahilan ng ‘pagkakaiskup’ sa PNA.
Ilang beses nagpabalik-balik sa tanggapan ni Egco ang Hataw ngunit hindi na siya nakitang muli at hindi na rin nagbigay ng paliwanag sa isyu.
Habang si News and Information (NIB) PNA chief Virginia Arcilla-Agtay nang makausap ng Hataw sa telepono ay inamin na hindi nila inilathala ang expose ni Faeldon dahil may ‘kulang’ umanong detalye sa isinumiteng istorya ng kanilang reporter.
Hindi na umano sumagot ang PNA reporter nang usisain ng editor ang detalye hanggang kahapon, na maituturing nang ‘panis’ ang expose ni Faeldon.
ni ROSE NOVENARIO
‘KILL THE STORY OPS’
NA TUMAGOS
SA PNA BUKING
NABULABOG ang pinaniniwalaang ‘special operations’ ng isang ‘grupo’ na sinasabing makiling kay Sen. Panfilo Lacson kontra kay outgoing Customs commissioner Nicanor Faeldon.
Bistado ang sinabing ‘special operations’ nang napansin ng Hataw dakong 7:30 pm, ang kaduda-dudang tila ‘pagsingit’ sa state-owned Philippine News Agency (PNA) ng isang news item kaugnay sa expose ni Faeldon na sabit sa cement smuggling ang anak ni Lacson na si Panfilo “Pampi” Lacson Jr.
Sa timeline sa webiste ng PNA, dakong 8:31 pm, 24 Agosto 2017 nai-post umnao ang balita hinggil sa expose ni Faeldon.
Kaya lalong nagtaka ang mga mamamahayag dahil hanggang kahapon, pasado 4:00 pm ay hindi makita ang balita sa website ng PNA.
Unang napansin ng Hataw, dakong umaga kahapon, na wala ang expose ni Faeldon ngunit may mga naka-post sa PNA hinggil sa banggaan nina Lacson at Faeldon na umabot sa tatlong istorya, sa anggulong pabor sa senador.
Una, “Drilon wants Faeldon placed under witness protection program” 3:21 pm 24 Auguts 2017; ikalawa, “Lacson denies son’s involvement in cement smuggling” 3:36 pm 24 August 2017; at “Senator question Faeldon’s allegations vs Lacson” 5:19 pm 24 August 2017.
Kaduda-dudang matapos punahin ng Hataw ang ilang taga-PNA biglang lumutang ang balitang “Young Lacson’s shipment of cement undervalued: Faeldon” 8:31 pm 24 August 2017.
“Nang punahin ng Hataw at ipinabatid kay PNA chief Gigi Agtay at editorial board member Joel Egco, hepe ng Presidential Task Force on Media Security biglang lumutang news,” anang Palace reporter.
Halatang-halata umano na huling inilathala ng PNA ang istorya na sana’y first break story. Imposible aniyang mauna ang denial ni Lacson sa alegasyon ni Faeldon at sagot ng mga senador dito kaysa mismong expose ng outgoing Customs commissioner.
“Kawawa naman ang PNA, binubuhusan ng resources ng administrasyong Duterte pero tila may nananabotahe. Ilang beses nang naging kontrobersiyal ang PNA sa nakalipas na mga linggo dahil sa kapalpakan,” sabi ng Palace reporter.
(ROSE NOVENARIO)