MAKALIPAS ang isang taon sa puwesto, tila hindi pa rin gamay ng isang undersecretary sa Palasyo ang mga terminong dapat gamitin sa presidential events o coverage.
Noong nakaraang Martes ay nag-host ng dinner si Pangulong Rodrigo Duterte para sa Philippine Air Force Dragon Boat Team dahil sa pagwawagi sa Kadayawan Dragon Boat Festival sa Davao City.
Wala sa opisyal na schedule ng Pangulo na ipinadala sa Malacañang media ang nasabing pagtitipon kaya nagulat ang ilang reporters nang makita ang dalawang bus ng PAF sa harap ng Palasyo.
“It is PRRD’s private time,” tugon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary for Media Relations Mia Reyes-Lucas sa text message sa kanya ng isang Palace reporter.
Ang “president’s time” ay ginagamit lamang kapag ang Pangulo ay nasa bakasyon taliwas sa sinabi ni Lucas kaugnay sa pagtitipon.
Nagpadala ng press release at photo release ang PCOO sa pamamagitan ng e-mail sa Palace media, pati ang transcript ng talumpati ng Punong Ehekutibo sa pagtitipon kaya ito’y isang presidential event at hindi president’s private time.
Habang noong Miyerkoles ay idineklara ni Lucas na “photo spray” ang media coverage sa magkasunod na courtesy call kay Pangulong Duterte ni Admiral Harry Harris, Jr., Commander of the United States Pacific Command (PACOM) at mga opisyal ng China Communications Construction Co. (CCCC) Ltd.
“Hi mam/sir, open na po both courtesy call, photo spray po. visuals only w/o assistant since maliit ang venue, thank you,” ani Lucas sa text message sa Palace media.
“Pool spray” at hindi photo spray ang ginagamit sa presidential engagement na ang photographers at iba pang kagawad ng media ay pinapayagan na masaksihan nang sandali ang opisyal na aktibidad ng Pangulo.
Isang taon na ang nakalilipas nang italagang opisyal ng PCOO si Lucas, dating reporter ng TV5, na isa sa mga mamamahayag na kasama sa 2016 Duterte presidential campaign.
(ROSE NOVENARIO)