ARESTADO ng mga tauhan ng QCPD Ba-ler Station 2-SDEU ang hinihinalang mga supplier ng marijuana na kinilalang sina Ralph Norman Peñaflor, John Ross Ong, at Eunice Zhiska Zeta sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. San Antonio, Quezon City. (ALEX MENDOZA)
PINANINIWALAANG nabuwag ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang sindikato ng ilegal na droga na gumagamit ng elementary student sa pagbebenta ng marijuana, makaraang madakip ng mga pulis ang tatlong suspek sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa pulong balitaan, iniharap ni QCPD director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang mga suspek na sina Ralph Norman Peñaflor, 25; John Ross Ong, 18, kapwa residente sa Fernandez St., Brgy. San Antonio; at Eunice Zhiska Zeta, 27, ng Brgy. Salvacion, sa Quezon City.
Nauna rito, nitong 18 Agosto 2017, natuklasan ng isang grade six teacher sa isang elementary school sa lungsod, na ang isa sa kanyang estudyanteng 16-anyos ay may dalang mga sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Agad dinala ng titser ang estudyante sa guidance office bago ipinaalam sa QCPD Masambong Police Station 2, na pinamumunuan ni Supt. Igmedio Bernaldez.
Sa imbestigasyon, ikinanta ng menor-de-edad na ipinabebenta sa kanya nina Peñaflor, Ong at Zeta ang droga sa labas ng eskuwelahan.
Inamin din ng estudyante na gumagamit siya ng marijuana kasama ang ilang estudyante sa bisinidad ng paaralan.
Dahil dito, agad nagsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang pulisya, nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek na sina Peñaflor at Ong, sa 178 Fernandez St., Brgy. San Antonio nitong 19 Agosto. Ang dalawa ay nakompiskahan ng tatlong sachet ng marijuana.
Habang si Zeta ay nadakip dakong 3:00 am nitong 20 Agosto, makaraan ikanta nina Ong at Peñaflor.
Nakuha kay Zeta ang hindi pa batid na halaga ng bultong pinatuyong dahon ng marijuana. (ALMAR DANGUILAN)