MAY 150 propesyonal na boksingerong Pinoy ang ngayo’y nalagay sa alanganin dahil sa pagpalsipika ng resulta sa kanilang brain scan para sa pagtuklas ng serious head injury, ayon kay Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham Kahlil Mitra.
Sinimulang ipatupad ng pamahalaan ang strict medical testing procedures kasunod ng pagkamatay ng ilang mga boksingerong Pinoy sanhi ng matitinding head injury na nagresulta sa kanilang mga professional fight sa nakalipas na mga taon.
“The welfare and safety of our boxers is part of our mandate. We do not want any more boxing deaths,” idiniin ni Mitra sa panayam ng media nitong nakaraang linggo.
Sa ipaiiral na ban sa mga boksingerong pumalsipika sa kanilang mga brain scan, nangangahulugang isa sa pito sa kabuuang 1,054 Filipino professional boxer ang hindi papayagang lumaban sa ring.
Napag-alaman ng board na umabot sa 150 boksingero ang nagsumite ng mga ‘pekeng’ resulta ng CT scan sa kasalukuyang taon, at lumilitaw na ang dahilan ay hindi nila makayanan ang gastusin para sa aktuwal na pagsusuri, punto ni GAB medical officer Radentor Viernes sa pana-yam ng AFP.
Simula nang mapabalita ang ban, nagsumite na ang kalahati ng mga blacklisted ng required medical examinations kung kaya ang parusa ay muling pag-aaralan, dagdag ni Mitra.
Iniimbestigahan din ng board ang pagkakasangkot ng ibang indibiduwal o grupo sa sinasabing CT scan scam.
Noong 2012, nawalan ng malay ang wala pang talong flyweight boxer na si Karlo Maquinto, 21, at kalaunan ay namatay sanhi ng brain injury. Ang nasawing boksingero ay nasa ika-siyam pa lang na professional fight sa kanyang career nang bawian ng buhay.
Namatay din ang dalawa pang boksingerong Pinoy noong 2005 at 2008, ani Mitra.
Bukod sa mga naitalang pagkamatay sa boxing, sinabi ni Viernes na tinanggihan din ng board ang renewal ng mga lisensiya ng limang boxer dahil sa kanilang mga brain injury o fluid build-up.
Na-diagnose ang apat sa kanila na may ‘minute haemorrhage’ sa utak, na pinaniniwalaang nagmula sa pakikipaglaban sa ring, habang ang ika-lima nama’y may brain oedema.
ni Tracy Cabrera