PINABORAN ng Armed Forces of the Philippines ang programa ng pamahalaang panlalawigan ng Negros na mag-alok ng pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon na magbibigay daan sa pagdakip o neutralisas-yon ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, inihayag ni AFP Spokesman B/Gen. Restituto Padilla, “welcome” sa militar ang inisyatiba ng Negros provincial go-vernment na bayaran ang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga rebeldeng NPA sa kanilang lalawigan.
Ani Padilla, bagama’t hindi patakaran ng AFP ang nasabing pakulo sa Negros, ikinatuwa ito ng militar dahil batid nila na sawa na ang masa sa pang-aabuso ng rebeldeng grupo na nakatuon sa pangingkil at arson.
“We do welcome this initiative on the part of the local government particularly in Negros because we know that they are already fed up with the abuses that are being committed and the violent activities that are being done by this armed group which has dege-nerated into bandit group, primarily concentrating on extortion and arson,” ani Padilla.
Umaasa aniya ang AFP na gagayahin ng ibang lokal na pamahalaan ang ginagawa sa Negros na nahaharap din sa kapareho nilang problema sa peace and order.
Tiniyak ni Padilla, ang impormasyon ay idinaraan sa proseso, at hindi basta-basta ginagawa ang pag-aresto o pag-neutralize sa isang kilalang kriminal kapag hindi beripikado.
(ROSE NOVENARIO)