SINIBAK bilang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Fairview Police Station 5 si Supt. Bobby Glenn Ganipac makaraan kotongan ng kanyang tatlong tauhan ang kanilang inarestong hinihinalang drug pusher nitong nakaraang Linggo.
Ayon kay QCPD District Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kanyang tinanggal sa posisyon si Ganipac dahil sa “command responsibility” makaraan kotongan ng kanyang mga tauhan na sina SPO3 Marlo Samoy, PO3 Henry Tingle, at PO1 Marlon Fajardo, pawang nakatalaga sa Fairview PS 5 Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ang isang drug suspect.
Bukod kay Ganipac, sinibak din sina Samoy, Tingle, at Fajardo, gayondin ang hepe ng SDEU na si Chief Insp. Severino Busa.
Sina Busa, Samoy, Tingle at Fajardo ay inilipat sa District Headquarters Support Unit sa QCPD Headquarters sa Camp Gen. Tomas Karingal sa Sikatuna Village sa nabanggit na lungsod.
Matatandaan, nitong 6 Agosto 2017, dinakip ng SDEU sa isang buy-bust operation ang suspek na si Francis de Guzman.
Pagkaraan, isang Joseph Eaullo, driver sa PS 5, ang inutusan ng mga taga-SDEU na makipag-ugnayan sa kaanak ni De Guzman na maaaring ibaba ang kaso sa possession of illegal drugs para makapagpiyansa imbes drug pushing na hindi puwedeng piyansahan.
Hiningian ni Eaullo ng P50,000 ang kaanak ni De Guzman ngunit nagkasundo sila sa halagang P15,000.
Lingid sa kaalaman ni Eaullo at mga pulis na nag-utos sa kanya, nakipag-ugnayan ang kaanak ni De Guzman sa Counter Intelligence Task Force sa Kampo Crame.
At noong 9 Agosto dakong 3:00 pm, ikinasa ang entrapment operation laban kay Eaullo sa harapan ng Nuat Thai sa Commonwealth Avenue.
Makaraan tanggapin ni Euallo ang P15,000 boodle marked money, dinakma siya ng mga operatiba.
Sa imbestigasyon, ayon kay Eleazar, isiniwalat ni Euallo na napag-utusan lamang siya nina Samoy, Tingle, at Fajardo.
(ALMAR DANGUILAN)