LIMA katao, kabilang ang isang menor-de-edad, ang inaresto sa anti-drug operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District – District Drug Enforcement Unit (QCPD-DDEU) makaraan makompiska ang tinatayang P1 milyon halaga ng shabu sa Brgy. Old Balara, Quezon City, kahapon ng hapon.
Kinilala ni Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, QCPD director, ang mga nadakip na sina Alona Borja, Jonathan Macaya, May Antonette German, at Joselito Calamgio, pawang mga residente sa Narra St., Perya, Old Balara.
Samantala, ang 17-anyos suspek ay ibibigay sa pangangalaga ng lokal na tanggapan ng DSWD.
Ayon kay Eleazar, dakong 3:55 pm, sinalakay ng DDEU ang dalawang drug den sa lugar sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Quezon City Regional Trial Court.
Pagpasok sa dalawang bahay, tumambad sa mga operatiba ang mga sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang P1 milyon ang halaga, isang kalibre .45, weighing scale, at drug paraphernalia.
Nakuha sa bahay ni Borja ang 100 gramo ng shabu habang 20 gramo sa bahay ni Macaya.
(ALMAR DANGUILAN)