EMOTIONALLY unstable si dating Pangulong Benigno Aquino III kaya walang pakialam sa paglaganap ng illegal drugs sa panahon ng kanyang administrasyon.
Sa press conference kagabi sa Palasyo, inilabas ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang hinanakit sa pagbatikos sa kanyang drug war.
Aniya, walang emosyon si Aquino dahil mayroon siyang ‘sakit’ kaya emotionally unstable o manhid sa mga problema, gaya ng illegal drugs.
Bukod tangi aniya si Aquino na naging pangulo ng bansa na may malalapit na heneral na sabit sa illegal drugs gaya ni retired police general at ngayo’y Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.
Tinawag ni Pangulong Duterte na ‘gunggong’ si Aquino dahil malayo sa katotohanan ang batikos na walang nangyari sa drug situation ng bansa matapos ang isang taon na implementasyon ng drug war.
Nauna nang binansagang gago at buang ni Duterte si Aquino noong nakalipas na linggo.
(ROSE NOVENARIO)
GRACE POE
ADIK SA YOSI
MALAKAS manigarilyo si Sen. Grace Poe, ayon kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Aniya sa press conference kagabi sa Palasyo, lingid sa kaalaman ng publiko, malakas manigarilyo ang anak ni Fernado Poe, Jr. Kinantiyawan ng Pangulo si Poe na mahilig sa motherhood statement nang batikusin ang kanyang pagmumura.
Ipinagmalaki ng Pangulo na mas grabe pa ang kanyang pagmumura noong panahon ng
kampanya pero ibinoto pa rin siya ng mga tao habang si Poe ay pinulot sa kangkungan noong 2016 presidential polls.
(ROSE NOVENARIO)