MULING nagsagawa ng “Oplan Galugad” operation ang pinagsanib puwersa ng mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), Bureau of Corrections (BuCor) at Southern Police District (SPD), sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon ng umaga, nagresulta sa pagkakabuko na ilang high profile inmates mula sa Building 14 ang lumipat sa Medium Security Compound, at ngayon ay buhay-hari roon.
Sinimulan ng mga awtoridad ang Oplan Galugad dakong 4:00 am sa Maximum at Medium Security Compound sa loob ng NBP.
Nabuko ng mga awtoridad na may mga panibagong kubol na itinayo ang mga preso, kabilang ang tinaguriang 17 sa 19 high profile inmates sa Medium Security Compound.
Ilan sa mga drug lord mula sa Building 14 ay nailipat sa Medium Security Compound, at sinasabing walang nagbabantay na mga tauhan ng Special Action Force (SAF).
Una nang ibinulgar ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II, na muling bumalik ang masagana at masarap na buhay ng mga preso dahil muling nakalulusot ang mga kontrabando sa loob ng piitan.
Sinabi ni Aguirre, nitong nakaraan linggo, nakatanggap siya ng impormasyon na ang lahat ng mga drug lord na nakakulong sa Building 14 ay lumipat sa Medium Security Compound na nagbuhay-hari, at nakapagpatayo ng kani-kanilang mga kubol at doon isinasagawa ang kanilang mga transaksi-yon, na nalulusutan ang mga bantay.
“Lately ko lang po nalaman ito na lumipat sa Medium Security ang mga drug lord, e mag-iisang buwan na palang nakalipat,” ani Aguirre.
Nagtataka si Aguirre kung paano naipasok ang mga materyales ng konstruksiyon na ginamit sa paggawa ng kubol ng ilang high profile inmates gayong may mga nakabantay na mga tauhan ng SAF at BuCor sa gate mismo ng NBP.
Maraming mga kubol ang giniba at binaklas ng mga awtoridad sa Medium Security compound, pawang mga bagong tayo lamang at may mga air conditioning units.
Bukod kay Aguirre , napasugod din si PNP chief, Director General Ronald “ Bato” Dela Rosa sa isinagawang Oplan Galugad sa NBP.
Karamihan sa mga nakompiska ay mga cellphone, at ilang patalim, kalan at iba pang mga kagamitan.
Sa ngayon, pansamantalang umaakto bilang Officer-In-Charge (OIC) si Aguirre sa NBP.
(JAJA GARCIA)