ISANG national mafia syndicate ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) at hindi “revolutionary government.”
Ito ang buwelta ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa pahayag ni CPP founding chairman Jose Ma. Sison, na dalawa na ang pamahalaan sa Filipinas, isang reactionary government na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte at isang revolutionary government ng CPP-NPA-NDFP.
Giit ni Año, ang papel aniya ng CPP-NPA-NDFP ay isang national mafia syndicate na sugapa sa panghuhuthot sa mga pribadong kompanya, negosyante, planters, contractors at bihasa pa sa panununog at paninira ng mga ari-arian na walang pakundangan sa mga mapeprehuwisyong mamamayan.
Tinawag ni Año na mga bandido at terorista ang mga NPA na nagpapanggap na komunista.
“In fact, the CPP-NPA-NDF has degenerated into a national Mafia syndicate the obsession of which is just to squeeze money from private companies, businessmen, planters, and contractors; and whose expertise is burning and destroying properties and resources without regard to human lives. They are mere bandits and terrorists posing as communists,” anang heneral.
Hindi aniya sila nabubuhay sa realidad na pinapaboran ng mga mamamayan ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa ksalukuyan ay may +66% net satisfaction rating batay sa pinakahuling SWS survey.
Imbes aniya sisihin ang AFP sa pagbagsak ng negosasyong pangkapayapaan, dapat umanong ipamalas ni Sison ang liderato at control sa CPP-NPA-NDF at himukin sila na itigil ang pangingikil at pag-atake sa mga sundalo na wala sa larangan at ipakita ang sinseridad sa peace talks.
(ROSE NOVENARIO)