DAPAT sampalin ng isang US lawmaker ang kanyang sarili para mawala ang pagkahibang at magising sa katotohanan na sa Amerika siya mambabatas kaya’t hindi kailangan makialam sa Filipinas.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, sa Massachusettes sa Amerika ibinoto si Rep. Jim McGovern at hindi inihalal ng mga botante sa buong mundo kaya wala siyang karapatan na makialam sa ibang bansa, lalo sa Filipinas.
“Hindi naman na Congressman iyan, e nakikialam sa mga bagay-bagay na labas naman sa bansa niya. Matanong ko lang, iyang Congressman ba na iyan ay ibinoto ba sa Filipinas o doon sa kanila? Doon siya makialam sa Massachusetts. Problema, pakiramdam kasi siguro niya e superior siya masyado, a Congressman of the world siya. Siguro e sampalin niya iyong sarili niya para magising siya sa katotohanan na Congressman siya ng Amerika, doon sa Massachusetts, hindi siya Congressman ng Filipinas o ng buong mundo,” ani Andanar hinggil sa pag-iimbestiga ni McGovern sa umano’y human rights violations sa bansa kaugnay sa drug war ng administrasyong Duterte.
Hinimok ni Andanar ang US lawmaker na unahin siyasatin ang mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa Amerika at mga pakikialam ni Uncle Sam sa ibang bansa na nagresulta ng human rights violations, gaya nang pambo-bomba sa pagamutan sa Syria.
Ipinagmalaki ni Andanar na ayon sa pinakahuling survey, 82% ang sumusuporta kay Pangulong Duterte at malabo aniyang mapantayan ni McGovern ang popula-ridad ng Pangulo, kahit mismo sa Massachusettes.
“Makialam siya rito, okay sige makialam siya pero i-investigate niya iyong mga nangyayari doon sa Middle East at sa mga hospital na mga binomba nila, ‘di ba? ‘Di ba iyon ang sinabi ni Presidente doon sa speech noong Thursday? So iyon ang problema sa mga pakialamero e. Pakialaman nila ang sarili nila. Kaya marami ang hindi rin na-tutuwa e. Otsenta y dos porsiyento sumusuporta sa Presidente ‘di ba? Sa palagay ko wala pang otsenta y dos porsiyento ang sumusuporta sa kaniya, sa kaniyang lugar. Iyong Congressman,” giit niya.
Hinamon ni Andanar si McGovern na magpunta sa Filipinas upang makita mismo ang sitwasyon sa bansa at hindi nagbabase lamang sa ‘tsismis’ mula sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang pinakamaganda riyan e talagang pumunta sila rito. Dito sila mag ano — tingnan nila kung anong nangyayari. Hindi lang iyong puro tsismis ‘di ba? At saka dito, tingnan nila kung anong nangyari, pag-aralan nila nang husto tutal mura lang naman ang ticket ‘di ba? Kayang-kaya nilang bumili ng ticket, pumunta sila rito tapos umikot sila sa buong Filipinas para makita talaga nila on the ground iyong — mahirap kasi iyong puro sa-lita tapos hindi ka naman pumupunta,” dagdag niya.
(ROSE NOVENARIO)