WALANG patawad ang NPA, ultimo maliliit na magsasaka ay kinikikilan taliwas sa propaganda nilang tagapagtanggol ng mga mamamayan.
Sa press briefing kahapon sa Palasyo, kinuwestiyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. ang ideolohiya ng NPA na nasangkot sa iba’t ibang insidente ng karahasan habang nagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa gobyerno.
Inihalimbawa ni Esperon ang panununog ng NPA sa plantasyon ng saging, sinunog ang mga truck at tinagpas ang walong ektarya ng saging nang hindi magbayad ng “revolutionary tax” sa mga rebelde.
“In fact, doon sa isang napagkasunduan na major agreement, the CAHRIHL (Comprehensive Agreements on Human Rights and International Humanitarian Law), maraming provisions iyan about safeguarding the civilians na dapat hindi ina-attack ang civilians. E ipinagmamalaki nilang sundan natin iyong CAHRIHL. Pero ano ba iyong tinatabas mo iyong pananim, iyong mga saging? Ano ba iyong nanununog ka? Ano ba i-yong mag-iitik ka lang e tinatamaan ka pa? Ano ba iyon?” aniya.
Dahil armadong grupo ang NPA, kasama sila sa masasapol ng operasyong militar, kasama ng BIFF, ASG, Maute/ISIS, sa idineklarang martial law ng Pangulo sa Mindanao.
(ROSE NOVENARIO)