UMABOT sa 264 katao ang hinuli ng mga pulis sa magkahiwalay na One Time Big Time operations sa ilang barangay sa mga lungsod ng Parañaque at Taguig, nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., ang ikinasang OTBT ops ay bilang bahagi ng pagsawata sa posibleng krimen lalo na’t nala-lapit ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsagawa ng operasyon ang 110 tauhan ng Parañaque City Police dakong 10:00 pm, katuwang ang medical personnel, kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD,) at 40 force multipliers sa Barangays Baclaran, Tambo, Don Galo, at Sto. Niño ng siyudad, nagresulta sa pagkakaaresto sa 79 katao.
Kabilang sa mga nahuli ang tatlong “most wanted person,” walo ang nahulihan ng ilegal na droga, tatlo ang naaktohang nagsusugal, 16 nag-iinoman sa kalye;15 walang suot na damit pang-itaas, at 34 kabataan ang nasagip sa nasabing operas-yon.
Habang dinala sa impounding area sa Parañaque City Police headquarters ang 11 motorsiklo dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.
Sa lungsod ng Taguig, sinu-yod ng 295 pulis ang Brgy. Maharlika sa lungsod, at nasa 185 katao ang hinuli kabilang ang sinagip na 62 menor de edad.
Kabilang sa hinuli ang dalawang wanted sa batas, anim nagsusugal, walo ang nakompiskahan ng ilegal na droga, 70 ang hinuli sa pag-inom ng alak sa lansangan, 36 ang dinampot na walang damit pang-itaas, at isa ang nahuling naninigarilyo sa pampublikong lugar.
Habang 26 motoriklo at kinompiska ng mga pulis at 328 rider ang sinita sa nasabing operasyon.
Pinalaya kalaunan ang mga lumabag sa ordinansa habang nakakulong sa detention cell ang mga nahaharap sa kaso.
(JAJA GARCIA)