MAHIHIRAPAN nang ‘maglabada’ ng mga dinambong na kuwarta sa casino ang mga sindikatong kriminal dahil saklaw ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) ang mga casino, kasama ang internet at ship-based.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 10927 o An Act Designating Casinos as Covered Persons under Republic Act No. 9150 o mas kilala bilang Anti-Money Laundering Act of 2001.
Nakasaad sa bagong batas na ang isang casino cash transaction na nagkakahalaga ng P56 milyon o katumbas nito sa ano mang currency ay itinuturing na “covered transaction” at dapat iulat sa Anti-Money Laundering Council.
Maaaring maglabas ng 20-day freeze order ang Court of Appeals sa alin mang ari-arian o kuwartang sangkot sa ilegal na aktibidad, alinsunod sa RA 9160.
Matatandaan, nabulgar na ilan sa Chinese high rollers na kliyente ng negosyanteng si Kim Wong ang nilaro sa Solaire Casino ang US$81 milyon pera ng Bangladesh na ninakaw sa Federal Reserve Bank sa New York at inilipat sa account ng anim na Filipino sa RCBC Jupiter branch noong 2016.
Sa imbestigasyon sa Senado, itinuro ni RCBC bank manager Maya Deguito na sabit sa krimen si Wong, may-ari ng Eastern Hawaii Casino, na nag-o-operate sa ilalim ng lisensiya ng Cagayan Export Zone Authority (CEZA), at kilalang nasa likod ng malalaking gambling operations sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)