MANAHIMIK at linisin muna ang sariling bakuran bago magposturang Diyos, konsensiya ng mamamayan at tagapagsalita ng mga kriminal.
Ito ang buwelta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbatikos sa kanya ng ‘balae’ na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales hinggil sa madalas na pagbabantang papatayin niya ang mga kriminal.
Si Morales ay kapatid ni Atty. Lucas Carpio, Jr., mister ni Court of Appeals Justice Agnes Reyes Carpio.
Sina Agnes at Lucas ay mga magulang ni Mans Carpio, asawa ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa mass oath-taking ceremony sa Palasyo kahapon, dapat kontrolin ni Morales ang kanyang bunganga at huwag umastang tagapagsalita ng mga kriminal.
“Since when did you anoint yourself spokesman of the criminals? Rendahan mo bunganga mo kasi may problema,” ani Duterte na ang tinutukoy ay problema sa illegal drugs.
Sa panayam kay Morales kamakailan, inihayag niya na hindi katanggap-tanggap ang mistulang pang-e-engganyo ng Pangulo sa mga awtoridad na paslangin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs.
Hinamon ni Duterte si Morales na magpakita ng batas na nagbabawal sa pagbabanta sa mga kriminal at kapag nagawa ito ng Ombudsman ay magbibitiw siya agad bilang Pangulo.
“Find me a law which says I cannot threaten a criminal with death… If you can do that, I will step down tomorrow,” aniya.
(ROSE NOVENARIO)