MAPANGANIB pa sa Marawi City kaya hindi pinahihintulutan ng pamahalaan ang mga residente na magbalik sa kanilang mga bahay sa lungsod.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi pa tapos ang paglilinis ng mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City, may mga nakatanim pang patibong ang mga terorista gaya ng mga bomba, improvised explosive devices, na hindi pa sumasabog, na magdudulot ng malaking pinsala sa mga sibilyan kapag pinayagan silang makabalik sa kanilang mga bahay.
Giit ni Abella, nauunawaan ng pamahalaan ang mga sentimyento ng mga residente ng lungsod na sabik nang magbalik-bahay ngunit mas makabubuting hintayin nilang matapos ang clearing operations ng militar.
Ang pangunahin aniyang nasa isip ng pamahalaan ay kaligtasan at kapakanan ng lahat ng sibilyan, lalo ang mga kababaihan at mga bata.
“We understand the sentiments of the residents of Marawi wanting to return home after being forced to flee from the city. There is no assurance that areas outside the main battle zone are already safe to reside and live in, as incidents of cases of stray bullet victims have been reported. In addition, the clearing of the entire city of Marawi of IEDs and boobytraps left by terrorists, unexploded ordnance and other explosives is still ongoing. The danger and risks these pose still remain high,” ani Abella.
“For the safety of everyone, it is better to just wait for the end of hostilities and the completion of clearing ope-rations,” aniya.
Napaulat kahapon, patuloy na tinatamaan ng stray bullets ang ka-pitolyo ng Lanao del Sur na nasa siyudad at isang crewcab ng GMA network ang nahagip din.
Aabot sa 80 teroristang mula sa Maute/ISIS ang nasa sentro ng lungsod na may 800 gusali.
(ROSE NOVENARIO)