HINIMOK ni District 1 Councilor Peter Anthony “Onyx” Crisologo ng Lungsod Quezon ang lahat ng mga magulang na palakasin at suportahan ang parents- teachers’ associations para sa ikabubuti ng mga mag-aral sa pribado at pampublikong paaralan.
Aniya, nararapat na ang mga magulang at mga guro ay magkaroon ng magandang samahan sapagkat sila ay may ginagampanan na mahahalagang katungkulan sa development ng mga mag-aaral.
“Bilang konsehal ng Quezon City, lagi po akong nakasuporta sa magagandang layunin, programa at proyekto ng ating PTAs para sa kapakanan ng ating mga mag-aaral at maging ng ating paaralan,” aniya.
Sa paanyaya nina Baltazar Prisno, Bagong Silangan Elementary School-General PTA president at opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, at vice president Joey Bilaos, dumalo si Crisologo bilang guest speaker sa ginanap na induction ng kanilang PTA sa District 2.
Si District 2 Councilor Precious Hipolito-Castelo ang pangunahing nangasiwa sa oath-taking ceremony.
Pinasalamatan ni Crisologo ang prinsipal ng Bagong Silangan Elementary School na si Dr. Wilma Manio sa mainit nitong pagtanggap sa kaniya.
Si Manio ay dating prinsipal sa District 1.
“Napakapalad natin sa pagkakaroon ng masisipag at tapat na public servants, mambabatas sa Kongreso, konsehal at maging ng mga prinsipal. Ako ay lubos na natutuwa na makita ko muli ang isa sa mga paborito kong prinsipal na si Dr. Manio,” ani Crisologo.
Samantala, bilang bahagi nang pagpapaunlad ng kaaalaman ng mga kabataang mag-aral, namahagi si Crisologo ng school supplies sa West Riverside Day-Care Center sa Barangay San Antonio, District 1. (RAMON ESTABAYA)