IGINAGALANG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkontra ng ilang mahistrado ng Korte Suprema sa idineklara niyang martial law sa Mindanao para sugpuin ang terorismo.
“Well, I would give due respect to the opinions, the dissenting… ng tulad ng questioning the martial law power of the President. Alam mo it’s a very short sighted thing,” anang Pangulo sa media interview sa pagbisita sa burol ng pamilya Carlos sa City of San Jose del Monte, Bulacan kahapon.
Sa botong 11-3-1 ay ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon laban sa idineklarang martial law ni Pangulong Duterte.
Ginagamit aniya ang kukote sa pagtakda ng batas militar lalo na’t ang sitwasyon sa Mindanao, partikular sa Marawi City ay klasipikado ng mga awtoridad bilang kritikal nang ideklara niya ang martial law habang nasa Moscow, Russia matapos atakehin ng Maute/ISIS terror groups ang mga militar.
Wala pang katiyakan mula sa Pangulo kung palalawigin ang pag-iral ng martial law sa 60 araw.
Para kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang desisyon ng Korte Suprema ay nagpatunay na nagkakaisa ang lahat laban sa iisang kaaway.
Hindi aniya magmamaliw ang determinasyon ng Pangulo na wakasan ang rebelyon, kasamaan ng terorismo at palayain ang Marawi City.
Hinimok ni Abella ang publiko na suportahan nang lubos at makipagtulungan sa mga awtoridad.
“After all, securing communities is a shared responsibility that must be shared by everyone,” sabi ni Abella.
(ROSE NOVENARIO)