HAHARAPIN ng Cignal HD ang mabigat na pagsubok sa pagtutuos nila ng Wangs Basketball sa PBA D-League Foundation Cup 3:00 pm sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa ikalawang laro, 5:00 pm, hanap pa rin ng AMA Online Education ang unang panalo kontra Centro Escolar University.
Mataas ang morale ng Wangs Couriers dahil sila ay galing sa 93-84 panalo kontra Racal Motors na maalalang sumegunda sa Cignal HD sa nakaraang Aspirants Cup.
Ang Wangs Basketball ay may 3-2 karta at may pinakamagandang simula buhat nang maging miyembro ng PBA D-league,
“Nakukuha na namin ‘yung chemistry, unlike before na may wall. Na-motivate namin ‘yung players na kailangan talaga naming maging isa kung gusto naming manalo,” ani Wangs coach Pablo Lucas.
Ang nagbida para sa Wangs Basketball ay si Michael Sorela nang gumawa siya ng sampu sa kanyang 13 puntos sa fourth quarter.
Buhat sa manipis na 70-68 abante ay lumayo ang Couriers, 81-72.
Ang Wangs Basketball ay pinangunahan ni Chris Bitoon na gumawa ng 22 puntos, limang steals, apat na rebounds at tatlong assists. Nagkaroon ng double-double si Robbie Herndon na nag-ambag ng 17 puntos at 13 rebounds.
Ang ibang unaasahan ni Lucas ay sina John Montemayor, Michael Juico, John Tayongtong, Jaycee Asuncion at John Ambulodio.
Ang Cignal HD ni coach Boyet Fernandez ay may 5-2 record. Si Fernandez ay sumasandig kina Jason Perkins. Reymar Jose, Christopher Sumalinog, Murphy Raymundo Davon Potts at Monbert Arong.
Ang AMA Online Education ay wala pang panalo sa apat na laro samantala ang CEU Scorpions ay may 2-2 at galing sa back-to-back na panalo kontra Batangas (72-70) at Zark’s Burger (78-62). (SABRINA PASCUA)