PINALAGAN ng transport group ang balak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gawing dalawa hanggang tatlong araw ang pagpapatupad ng number coding o tinatawag na “expanded number coding.”
Kamakalawa, inihayag ni MMDA Chairman Danilo Lim sa Kongreso, pinag-aaralan nilang ipatupad ang “expanded number coding” o gawing dalawa hanggang tatlong araw ang pagpapatupad ng traffic scheme bilang isa sa mga solusyon para maibsan ang mabigat na trafik sa Metro Manila.
Ang plano ng ahensiya ay pinalagan ng grupo ng PISTON at Pasang Masda, dahil maaapektohan ang mga driver na namamasada, na dapat aniya ay huwag isali sa mga ganitong programa.
Anila, imbes magpatupad ng mga programa para masolusyonan ang mabigat na trapik, ang dapat aniyang gawin ng MMDA ay mahigpit na ipatupad ang batas trapiko sa mga lansangan.
Habang ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, hindi dapat maalarma sa implementasyon ng “expanded number coding scheme” ang mga motorista dahil marami pang pag-aaral ang gagawin ng MMDA bago ito ipatupad.
Kailangan aniyang konsultahin sa naturang traffic scheme ang Metro Manila Council (MMC), na kinabibilangan ng Metro mayors, na policy making body ng naturang ahensiya.
(JAJA GARCIA)
Payo ni Poe sa MMDA
‘WAG PADALOS-DALOS
SA EXPANDED NUMBER
CODING SCHEME
PINAALALAHANAN ni Senadora Garce Poe and Metro Manila Development Authority (MMDA), na huwag magpadalos-dalos at kailangan ma-ging mapanuri sa pagbibigay ng solusyon sa pagresolba sa suliranin sa trapiko sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Poe, naiintindihan niya ang malaking hamon na kinakaharap ng MMDA sa pagresolba sa traffic problem sa Metro Manila, ngunit kailangan ang masusing pagpaplano.
Iginiit ni Poe, ang planong expanded number coding scheme ay kailangan pag-aralang mabuti at idaan sa malawakang konsultasyon sa mga apektadong sektor. Ito ba ang pinaka-epektibong solusyon? Ito ba ang kailangan natin? Hindi kaya mas marami ang mapeprehuwisyo nito kaysa ang matulungan?
Matatandaan, noong Disyembre lumutang na ang panukalang ito dahil sa inaasahang trapik sa pagpasok ng Pasko, ngunit tinutulan ng Metro Manila Council na binubuo ng 17 mayors sa Metro Manila.
Binigyang-diin ni Poe, gustuhin man natin ang mabilis na solusyon sa trapiko, hindi dapat ito “knee-jerk reaction” para sa kaginhawaan ng iilan.
“Tandaan sana natin na hindi pa gaanong maaasahan ang pampublikong transportas-yon, at kung ipapatupad itong expanded number coding scheme, bibili lamang ng pangalawa o pangatlong kotse ang mga may kaya.
“Sana ‘wag namang gawing guinea pigs ang ating mga kababayan na laging ginagawang eksperimento,” ani Poe.
Inilinaw ni Poe, kaisa siya sa hangaring masolusyonan ang matinding suliranin sa traffic, lahat tayo ay biktima nito, kaya’t lahat ay dapat kabahagi sa solusyon na epektibo at kayang ipatupad nang tuloy-tuloy.
(NIÑO ACLAN)