KRITIKAL ang isang konsehal at kanyang bodyguard makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem ang isang Toyota Land Cruiser sa Macapagal Blvd., Pasay City, kahapon ng madaling-araw.
Ang dalawa ay nasa San Juan De Dios Hospital si Borbie Rivera y Salazar, 39, pangulo ng Liga ng mga Barangay Captains (ABC), at konsehal ng lungsod, residente sa 355 Protacio St., Brgy. 112, Zone 12, at ang bodyguard niyang si Alex Dominguez, 54, ng Fairview, Quezon City.
Sa report kay Pasay City Police chief, Senior Supt. Dionisio Bartolome, nangyari ang insidente sa harap ng Titan Z Club sa Macapagal Blvd., Hobbies of Asia, ng lungsod.
Galing ang konsehal kasama sina Jomer Ruiz at Cyril De Gracia Arce, sa naturang club, lulan ng isang puting Land Cruiser (NQH-896).
Lingid sa kanilang kaalaman, inaabangan sila ng mga suspek na nakasuot ng facemask kaya sila ay pinagbabaril.
Agad gumanti ng putok ang mga kasama ng konsehal na sina Ruiz at Arce. Ngunit tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklong walang plaka.
Matatandaan, ang konsehal ay inaresto nang pinagsanib na puwersa ng District Special Operations at District Anti-Car Theft Units ng Southern Police District (SPD) sa pamumuno ni Police Supt. Lorenzo Trajano noong 16 Abril 2015, sa Magallanes Interchange, Makati City sa isang check point, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Makati City Regional Trial Court (MRTC) Judge Winlove Dumayas ng Branch 59, dahil sa kasong murder, habang sakay ng gray Ford Mustang GT.
Nang hulihin ang konsehal ng mga pulis, nakuha sa kanya ang iba’t ibang kalibre ng baril at mga bala.
Kinasuhan ng murder si Rivera nang masangkot sa insidente ng pamamaril noong 24 Enero 2015 sa Brgy. Pio Del Pilar, Makati City, na ikinamatay ng isang tao at ikinasugat ng siyam iba pang mga biktima. (JAJA GARCIA)