GARANTISADO ang malayang pagkilos ng mga lider-komunistang saklaw ng safe conduct pass o Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG) dahil hindi sila puwedeng arestohin at tiktikan ng mga awtoridad habang isinasagawa ang usapang pangkapayapaan.
Sa kalatas ni government peace panel member at pinuno ng Committee on JASIG and release Angela Librado Trinidad, inilagak sa deposit box sa The Netherlands ang USB (Universal Serial Bus) flash disks at isang back up security drive na nakalista ang mga pangalan ng National Democratic Front (NDF) rebels at consultants na saklaw ng JASIG.
Kasama sa file ang mga larawan at tunay na pagkakakilanlan ng mga rebel consultant na bahagi ng kilusang lihim (underground movement).
“The rebel leaders included in the JASIG list as well as other persons directly participating in the peace negotiations are guaranteed free movement and freedom from arrest, surveillance, interrogation and similar actions in connection with their involvement or participation in the peace negotiations for the duration of the peace talks,” ani Trinidad.
Kasama sa “immunities” ang mga pagkilos, pahayag, materyales, impormasyon at datos na ginawa habang o resulta ng negosasyong pangkapayapaan.
Ang mga lumutang na lider-rebelde at personal na lumalahok sa peace negotiations ay inisyuhan ng letters of authority (LAs) ni government panel chairman Silvestre Bello III.
Ang pagdeposito sa USB at SD ay alinsunod sa mandatory provisions na nakasaad sa JASIG at supplemental guidelines na nilagdaan ng government at NDF panels noong 1995 at 1998, at sinusugan noong 26 Agosto 2016 na Joint Statement ng administrasyong Duterte bilang malahalagang salik sa negosasyong pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.
Matatandaan, ang naunang diskette na idineposito sa The Netherlands ay nagkaroon umano ng virus kaya hindi na mabuksan upang beripikahin ang pangalan ng isang lider-rebelde na saklaw ng JASIG ngunit dinakip ng militar noong Hulyo 2011. (ROSE NOVENARIO)