HINDI sagabal sa mabilis na pagtugon ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo kahit wala pa siyang ad interim appointment para maipagkaloob ang mga pa-ngangailangan ng mga residente sa Marawi City.
Inamin ni Taguiwalo, todo ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagganap ng tungkulin bilang DSWD kaya wala si-yang pinoproblema.
“I serve at the pleasure of the President, okay? So, the President has been communicating with me through SAP Bong Go, and has been informing me of the — of the needs,” aniya sa press briefing sa Palasyo.
“I have been reporting to them kung ano na ang nangyayari. So, so far, wala akong pinoproblema, ‘no. So siguro ‘yung mamomoroblema doon ‘yung mga pinirmahan ko na appointments, kung meron,” dagdag niya bilang tugon sa pagkaka-binbin ng ad interim appointment niya bilang DSWD secretary.
Inihayag ni Taguiwalo, dinagdagan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P662,500 ang budget ng DSWD para sa krisis sa Marawi City.
Ikinagalak aniya ng DSWD na nabili at naipamamahagi na ang dagdag na food packs, hygiene kits at non-food items para sa mga bakwit.
“So I’m glad to tell you that the DBM has downloaded P662,500,000 to the Department as of June 6. So we have been able to purchase the needed family food packs as well as to augment our hygiene kits and non-food items,” ani Taguiwalo.
Nang magpunta aniya si Pangulong Duterte sa isang evacuation center sa Iligan City kamakailan ay nagbigay siya ng P91,000 napagkasunduan ng mga bakwit para sa pagdiriwang ng pagtatapos ng Ramadan.
Idinagdag ni Taguiwalo, may mga Maranao psychologist at psychiatrist volunteers na nagsasagawa ng stress debriefing sa mga bakwit.
Bibili aniya ng family tents ang DSWD para sa 69,000 pamilya ng bakwit upang magsilbing pansamantalang tahanan habang ginagawa ang rehabilitasyon sa Marawi City.
(ROSE NOVENARIO)