WHO’S the best guard in Asia?
Siyempre, para sa ating mga Pinoy, ang dabes ay si Jayson Castro. Dalawang beses na njyang nakamit ang taguring ito.
Well, siguro ay may nakakuha na ng karangalan sa mga nakaraang FIBA Asia tournaments, pero sa puso natin, si Castro pa rin ang Best Guard.
At iyan ang pinatunayan ng manlalarong tinatawag na ‘The Blur’ nang pasanin niya ang TNT Katropa tungo sa best-of-seven championship round ng PBA Commissioner’s Cup kontra San Miguel Beer,
Tinulungan niya ang Tropang Texters na payukuin ang crowd-favorite Barangay Ginebra, 122-109 sa Game Four ng semifinals noong Sabado.
Sa larong iyon ay nagtala si Castro ng 38 puntos upang punan ang matamlay na laro ng kanyang 330-pound import na si Joshua Smith na may dinaramdam sa paa.
Si Smith ay nagtamo ng injury sa Game Three at nabigo ang Tropang Texters na walisin ang Gin Kings nang sila ay matalo, 125-101.
Ang agam-agam nga ng lahat ay baka makaulit ang Gin Kings sa Game Four at makapuwersa ng winner-take-all Game Five. Dun ay magdedelikado na ang TNT Katropa.
Pero hindi na iyon hinayaan pang mangyari ni Castro.
Kahit na may injury si Smith ay pinunan niya ang kawalan nito.
E hindi nga ba’t bago umakyat si Castro sa PBA ay naging import ito ng Singapore Slingers? So, alam niya kung paano binubuhat ang isang team.
Siya ang nagsilbing import ng TNT Katropa.
At siya ang poproblemahin ng Beermen sa Finals.
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua