SISIKAPIN ng Star na makaulit sa San Miguel Beer sa muli nilang pagkikita sa Game Two ng best-of-five semifinal round ng PBA Commissioner’s Cup mamayang 7:00 pm sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Naungusan ng Hotshots ang Beermen sa series opener, 109-105 nitong Sabado sa pamamagitan ng isang clutch three-point shot ni Aldrech Ramos.
Sa larong iyon, ang Hotshots ay nakalamang ng 14 puntos sa huling apat na minuto ngunit nakabawi ang Beermen nang mag-init si Marcio Lassiter at pumutok nang sunod-sunod na three-point shots.
Bukod dito ay na-disqualify ang Star import na si Ricado Ratliffe bunga ng ika-anim na foul.
Naibaba ng Beermen sa isa ang kalamangan ng Star, 105-104 sa huling 33.5 segundo.
Matapos ang timeout ni coach Chito Victolero ay tumanggap ng assist si Ramos buhat kay Paul Lee at nagpapasok ng three-point shot upang makahinga ang Hotshots.
Gumawa si Ramos ng 11 puntos kabilang ang tatlong three-pointers.
Pinangunahan ni Allein Maliksi ang Star na may 26 puntos kabilang ang limang three-pointers.
Si Ratliffe ay nagtala ng 26 puntos, 21 rebounds, tatlong assists, tatlong steals at isang block pero nagkaroon ng sampung errors.
Ang pinakamalaking abanse ng Hotshots ay 15 puntos, 94-79 sa huling pitong minuto.
Nagtulong sina Charles Rhodes at three-time Most Valuable Player June Mar Fajardo upang buhatin ang San Miguel Beer. Si Rhodes ay nagtala ng 34 puntos at 10 rebounds samantala si Fajardo ay nagdagdag ng 24 puntos at siyam na rebounds.
Nabokya si Lassiter sa unang tatlong quarters ngunit gumawa ng apat na triples sa fourth quarter. Ayon kay coach Leovino Austria, kailangang pumutok kaagad si Lassiter sa unang bahagi ng laro upang hindi sila maiwanan ng Hotshots at magkaroon ng tsansang maitabla ang serye.
Ang magwawagi sa duwelong ito ay makaka-laban ng mananalo sa kabilang semifinal series sa pagitan ng Barangay Ginebra at TNT Katropa sa best-of-seven championship round.
(SABRINA PASCUA)