KINANSELA ng Palasyo ang tradisyonal na Vin d’honneur na nakatakda sa Lunes, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-119 Araw ng Kalayaan ng Filipinas.
Ang Vin d’honneur ay dalawang beses na pagtitipon ng matataas na opisyal ng pamahalaan at diplomatic corps sa Palasyo, na ang Pangulo ang host.
Ang unang Vin d’honneur ay tuwing pagsisimula ng taon at ang ikalawa ay kapag Araw ng Kalayaan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, matapos ang flag raising activity sa Luneta ay mas minabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtuunan ang mga kaganapan sa Mindanao kaysa mag-host ng vin d’honneur.
“After the Rizal Park flag raising activity, on the same day, the President will attend to matters pertaining Mindanao,” aniya.
Inaasahang sa Lunes ang pinakaaasam na liberation ng Marawi City mula sa kamay ng mga terorista matapos ang tatlong linggong pagkubkob sa siyudad para kanilang bigyan ng proteksiyon si ASG leader Isnilon Hapilon, pinaniniwalaang nagkukuta sa lungsod mula nang masugatan sa surgical operation ng militar noong Enero. (ROSE NOVENARIO)