Saturday , November 16 2024

Marawi liberation asahan sa Lunes (Vin d’honneur kanselado)

061017_FRONT
UMAASA ang gobyerno na maitataas na ang watawat ng Filipinas sa Marawi City bilang simbolo ng paglaya ng siyudad sa kamay ng mga terorista.

“Rest assured, our soldiers are doing their part, they’re doing their best and are continuing on with this effort on the ground to facilitate the liberation of Marawi hopefully by Monday,” ani Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, sa press briefing kahapon sa Palasyo.

Aniya, sa pagsasagawa ng aktibidad ng militar sa siyudad ay tinitiyak ng AFP na prayoridad ang kaligtasan ng mga inosenteng sibilyan at itotodo ang pagsusumikap na maisalba ang sino mang hawak ng kaaway sa loob ng Marawi City.

Bahagi rin aniya ng direktiba sa mga sundalo na igalang ang mga ari-arian ng mga sibilyan sa pagsasagawa ng clearing operations.

Kaugnay nito, tiniyak ni Padilla, nasa loob pa ng Marawi City si Abu Sayyaf Group (ASG) leader Isnilon Hapilon at walang indikasyon na nilisan na niya ang siyudad.

Kinompirma ni Padilla, may mga natuklasang tunnel ang militar sa proseso ng clearing operations at paghahanap sa mga armas, pagpapasabog at mga patibong ng kaaway.

Ngunit base aniya sa kuwento ng matatandang residente, matagal na ang mga tunnel na itinayo noong nakalipas na masidhi ang bakbakan ng Moro at militar noong dekada ’70. (ROSE NOVENARIO)

VIN D’HONNEUR
SA LUNES KANSELADO

KINANSELA ng Palasyo ang tradisyonal na Vin d’honneur  na nakatakda sa Lunes, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-119 Araw ng Kalayaan ng Filipinas.

Ang Vin d’honneur ay dalawang beses na pagtitipon ng matataas na opisyal ng pamahalaan at diplomatic corps sa Palasyo, na ang Pangulo ang host.

Ang unang Vin d’honneur ay tuwing pagsisimula ng taon at ang ikalawa ay kapag Araw ng Kalayaan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, matapos ang flag raising activity sa Luneta ay mas minabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtuunan ang mga kaganapan sa Mindanao kaysa mag-host ng vin d’honneur.

“After the Rizal Park flag raising activity, on the same day, the President will attend to matters pertaining Mindanao,” aniya.

Inaasahang sa Lunes ang pinakaaasam na liberation ng Marawi City mula sa kamay ng mga terorista matapos ang tatlong linggong pagkubkob sa siyudad para kanilang bigyan ng proteksiyon si ASG leader Isnilon Hapilon, pinaniniwalaang nagkukuta sa lungsod mula nang masugatan sa surgical operation ng militar noong Enero. (ROSE NOVENARIO)

MASSIVE ARREST
SA ASG, MAUTE
BIFF MEMBERS,
SPIES INIUTOS

NAGPALABAS ang Department of National Defense nitong Biyernes, ng arrest order laban sa mga miyembro ng apat teroristang grupo bunsod nang paghahasik ng rebelyon.

Sa pitong pahinang dokumento na nilagdaan ni Defense Secretary and martial law administrator Delfin Lorenzana, inatasan niya ang mga tropa ng gobyerno na arestohin ang 186 members, spies, at couriers ng Abu Sayyaf, Maute group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Maguid group.

“Pursuant to the proclamation of Martial Law… you are hereby directed to arrest, take into custody, and conduct/continue the investigation on the following personalities for violation of Article 134 (Rebellion) of the Revised Penal Code,” atas sa dokumento.

Sa ilalim ng martial law, ang puwersa ng gobyerno ay awtorisadong mag-aresto nang hindi na kailangan pang humiling ng arrest warrants mula sa mga korte.

Sinabi ni Lorenzana, ang terrorist group members ay nagkasala ng rebelyon “by publicly taking arms against the duly constituted authorities for the purpose of removing Mindanao from the territory of the Government of the Philippines”  at pagtatangka na isailalim ang isla sa kontrol ng Islamic State.

Ang mga personalidad ay iniutos ding arestohin bunsod ng “indiscriminately killing, kidnapping, perpetuating bombings in Marawi City and some parts of Mindanao, and sowing terror in the populace,” dagdag sa dokumento.

Ang puwersa ng gobyerno ay inatasang maghain ng mga kaso laban sa mga suspek sa Department of Justice’s Office of the Prosecutor sa loob ng tatlong araw makaraan ang petsa ng pag-aresto.

HAPILON NASA
MARAWI PA – AFP

ITINANGGI ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nakapuslit palabas ng Marawi City ang top Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon.

Naniniwala ang Task Force Marawi, sa pangunguna ni Major General Rolando Bautista, si Hapilon ay nagtatago pa rin sa lungsod, ayon kay AFP spokesperson Brigadier General Restituto Padilla.

“Tsinek natin ito at ang announcement ni Major General Rolando Bautista, ang Task Force Marawi head, ay hindi po [totoo],” pahayag ni Padilla sa press briefing sa Malacañang.

“Hindi po ito napapatibayan. Hindi po ito totoo at naniniwala silang nandoon pa,” aniya.

Sumiklab ang sagupaan sa Marawi City noong 23 Mayo nang tangkain ng mga tropa ng gobyerno na arestohin si Hapilon.

Ayon sa militar, ang tangkang pag-aresto kay Hapilon ay bilang bahagi ng hakbang para mapigilan ang orihinal na plano ng local terrorist group Maute, na maghasik ng karahasan sa Islamic city sa pagsisimula ng Ramadan.

AFP NAKAALERTO
SA PAG-ARESTO
SA AMANG MAUTE

HANDA ang puwersa ng gobyerno bunsod nang posibleng retaliatory attacks kasunod nang pag-aresto ng mga awtoridad sa ama ng magkapatid na Maute.

Si Cayamora Maute ay inaresto nitong Martes kasama ang apat pang iba habang papasok sa Davao City.

Ang kanyang mga anak na sina Omar at Abdullah Maute, ang nanguna sa pag-atake sa Marawi City.

Si Cayamora ay inilipat na sa piitan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Si Cayamora at iba pang mga kasama ay sinampahan ng kasong illegal possession of firearms.

POLITIKONG OLAT
FINANCIERS
NG TERORISMO

MAY 230 politiko, karamiha’y mga talunan noong nakalipas na halalan, ang tinutugis ng mga awtoridad dahil sa pag-ayuda sa Maute terrorist group.

Ang pangalan ng supporters ng Maute ay nakatala sa inilabas na Arrest Order 1 at 2 ni Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang martial law administrator sa Mindanao.

Kabilang sa Arrest Order #1 ang 24 personahe at 20 naman sa  Arrest Order #2.

Unang dinakip kamakalawa ng gabi si Fajad Salic, ang dating akalde ng Marawi City, at dating asawa ng aktres na si Alma Moreno.

Nauna nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na narco-politicians ang nagpopondo sa terorismo sa Mindanao. (ROSE NOVENARIO)

DESTAB PLOT PROBE
INIUTOS NI AGUIRRE
SA NBI

PINAKILOS ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang mga ahente ng gobyerno na imbestigahan ang opposition politicians na maaaring planong ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nag-isyu si Aguirre ng Department Order No. 385 noong 7 Hunyo, nag-aatas sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up “against some senators and other opposition leaders” na isinasangkot sa destablization plot.

Hindi nagbigay ang justice chief ng mga pangalan ng opposition personalities na nakatakdang imbestigahan.

Inatasan din niya si NBI Director Dante Gierran na magbigay ng updates kaugnay sa “current activities” hinggil sa imbestigasyon.

Ang department order ay inilabas kasunod nang pagbubunyag ng kalihim sa mga mamamahayag na sina Senators Antonio Trillanes IV at Bam Aquino, Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, at Ronald Llamas, political adviser ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ay nakipagpulong sa pamilya Alonto at pamilya Lucman bago ang pag-atake ng Maute group sa Marawi City noong 23 Mayo.

Ayon kay Aguirre, ang pulong noong 23 Mayo ay maaaring bahagi ng hakbang na idestablisa ang administrasyong Duterte, at nagpasiklab ng terroristic attack sa lungsod.

Ngunit inilinaw ni Aguirre na siya ay “misquoted” ng press at sinabing hindi kasama ang pamilya Lucman at pamilya Alonto, at si Aquino sa nasabing pulong.

Agad itinanggi ng mga nabanggit ang nasabing akusasyon ni Aguirre.

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *