HABOL ng Racal Alibaba ang ikalawang panalo kontra sa Zark’s Burger sa PBA D-League Foundation Cup mamayang 10 am Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa ikalawang laro sa ganap na 12 ng tanghali ay pinapaboran ang Cignal HD na maiposte ang ikatlong panalo kontra sa Marinerong Pilipino.
Tinambakan ng Racal ang AMA Titans, 118-100 sa una nitong laro noong Hunyo 1.
Nagbida para sa Alibaba ang Cebuano na si Mac Tallo na gumawa ng 20 puntos. Nagbuslo siya ng 15 puntos sa first half at nagpapasok ng apat sa siyam na tira buhat sa three-point line. Nag-ambag din siya ng apat na assists at tatlong rebounds,
Nakatuwang niya sina Janus Lozada (17 puntos), Jam Cortez (15), Kent Salado (13) at Michael Ayon-ayon (12).
Ang Racal ay hawak ni coach Jerry Codinera.
Ang Zark’s Burger ni coach Marvin Padrigas ay wala pang panalo matapos ang dalawang laro,
Sila ay natalo sa Gamboa Coffee Mix (85-84) at Cignal (107-69). Ang Zark’s ay kinabibilangan nina Robby Celiz, Clark Bautista, Jamill Sheriff, James Mangahas, RR De Leon at RJ Argamino
Matapos na matalo sa Flying V, 86-84 noong opening day ay nakabawi ang Cignal kontra Tanduay Rhum (89-63) at Zark’s.
Ang mga pambato ni Cignal coach Boyet Fernandez ay sina Jason Perkins, Reymar Jose, Christopher Sumalinog, Murphy Raymundo at Davon Potts.
Ang Marinering Pilipino ni coach Koy Banal ay pinamumunuan ng ex-pro na si Mark Isip kasama nina Ralph Salcedo, John Rey Alabanza, Zach Nichols, Julian Sargent at John Derico Lopez.
Natalo ang Marinerong Pilipino sa Batangas, 92-82 noong Mayo 30.
(SABRINA PASCUA)