DAPAT kolektibong kondenahin at biguin ng mga Filipino bilang isang bansa, ang kasamaan at pagsusumikap ng lahat ng armadong grupong sirain ang Filipinas.
Ito ang panawagan ni AFP Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla sa netizens na ibinabahagi ang mga propaganda ng mga terorista sa social media.
“Kaya nga po bilang isang Filipino, bilang isang bansang Filipino, we must collectively condemn. We must collectively work against the evil efforts of all these armed groups that is trying to destroy this country,” ani Padilla.
Ani Padilla, kung mahal ng Filipino ang kanyang bansa, komunidad, pamilya at mga kaibigan ay kailangang magkaisa upang laba-nan ang masamang hangarin ng mga terorista.
“Kaya kung kayo’y isang responsableng blogger o responsableng tagagamit ng Net, at tulad ng aking nabanggit, alam na ninyo, hindi ito totoong balita at wala itong pinagbabasehan, at agad-agaran pinuputol n’yo na po doon, hindi na po ‘yan manganganak, hindi na po ‘yan hahaba. At madi-discourage ang mga grupong ‘yan dahil hindi nila nakikita ‘yung viral trend na tumataas. Nandoon po ‘yung sikreto kaya nasa atin ‘yan bilang isang bansa,” dagdag niya.
Matatandaan, naging viral ang mga video at larawan na nagpakita nang pag-atake sa mga Katedral at laki ng pinsala sa Marawi City na dulot ng teroristang grupong Maute/ISIS.
(ROSE NOVENARIO)