INIHAYAG ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, itinuturing nang “close case” ang nangyaring trahedya sa Resorts World Manila (RWM) na ikinamatay ng 38 katao.
Ayon kay Albayalde, para sa kanila ay sarado na ang kaso ng RWM, na ikinamatay ng 38 katao, kabilang ang gunman na si Jessie Javier Carlos.
Gayonman, patuloy ang kanilang imbestigas-yon kaugnay sa security lapses ng security personnel na nakatalaga sa RWM.
Aniya, kahit pa maituturing nang sarado ang kaso, depende pa rin sa magiging takbo ng imbestigasyon kung ang pamilya ng mga biktima ay magsasampa ng kasong civil at kriminal laban sa management ng RWM.
Ang civil case ay danyos na hihilingin ng mga kaanak ng mga namatay at nasugatan sa insidente.
Habang ang criminal case ay pagsasampa ng negligence resulting in multiple homicide at multiple frustrated homicide laban sa management ng RWM.
Dagdag ni Albayalde, hanggang sa ngayon ay wala pang kaanak ng mga biktima na nagsasampa ng kaso laban sa RMW.
Sa ngayon, ang huma-hawak ng kaso sa nangyaring trahedya ang Special Investigation Task Group (SITG) at sila ang maghahain ng mga kaso laban sa RWM.
(JAJA GARCIA)