MAUULIT ba ang kasaysayan ng Star Hotshots sa Philippine Cup?
Patungo sa dulo ng elimination round ay tinambakan ng Hotshots ang mga nakalaban. Sa quarterfinals ay binugbog nila ang Phoenix. Ang average winning margin ng Hotshots papasok sa semifinal round laban sa Barangay Ginebra ay higit 30 puntos,
Nakakasindak hindi ba?
Para bang kaya nilang ilampaso ang kahit na sinong makakatapat nila.
Pero humina ang apoy at nabasa ang mainit na baga pagdating ng semis. Nahirapan sila sa Barangay Ginebra at natalo matapos ang pitong laro.
Pitong malulupit na laro ha. Nakalamang pa nga sa serye ang Star, 3-2. Nakaremate lang ang Barangay Ginebra at nagwagi sa huling dalawang games upang ipagkait sa Hotshots ang katuparan sa kanilang pangarap na finals appearance.
Ang tanong: Makakabawi ba ang Hotshots ngayon? O mauulit ang masaklap na karanasang nangyari sa Philippine Cup?
Sakali kasing uusad sila sa best-of-five semifinal round ng Commissioner’s Cup, ang makakalaban nila ay ang powerhouse San Miguel Beer!
Kung hindi nila nagawang makalusot sa Barangay Ginebra, makakalusot ba sila sa San Miguel Beer?
È, doble-doble ang intensity ng Beermen ngayon dahil sa ang Commissioner’s Cup championship na lang ang hindi pa napapanalunan ni coach Leovino Austria.
At kung magtatagumay sila dito ay malamang na makumpleto nila ang kanilang ikalawang Grand Slam!
SPORTS SHOCKED – Sabrina Pascua