HINIMOK ng Palasyo ang 20,000 estudyanteng mula sa Marawi City, na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral kahit nasa ibang lugar na sila dahil posibleng magtagal ang pagbabalik sa normal na sitwasyon sa siyudad.
Ginawa ni Education Secretary Leonor Briones ang panawagan bunsod ng ulat na 1,391 Marawi students lamang ang nakapag-enrol sa mga lugar sa labas ng siyudad.
Nagpayo umano si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na huwag munang isabay ang pagsisimula ng klase sa lungsod sa pagbawi ng tropa ng pamahalaan sa siyudad sa kamay ng mga terorista.
Giit ni Esperon, kailangan magsagawa ng clearing operations ang militar sa mga paaralan, gusali at iba pang establisiyemento upang mati-yak na walang naiwang pampasabog ang mga terorista.
“Tinanong ko rin ang Presidential Adviser on Security, si General Esperon. Ang sabi niya, at that time na within 2 weeks after June 5, kasi sabi niya “huwag munang isabay, kasi maski na mate-take over natin, mabawi natin ang Marawi, kailangan pa rin ng clearing operations, malay mo kung anong maiiwan doon sa mga buildings at tsaka kung ano-ano pang mga surprise na naiwan doon,” ani Briones.
Base aniya sa sitwasyon ay baka hindi kayanin sa loob ng susunod na dalawang linggo ang pagsisimula ng klase at maaaring mas matagalan pa.
“But the way things are, baka tatagal ‘yung clearing up operations even if mabawi na ang Marawi,” dagdag niya.
Iniulat ni Briones, may mga negosyante na nagpahayag ng kahandaan na tumulong sa pagpapaayos ng mga paaralang nasira sa bakbakan ng militar at mga terorista sa Marawi City.
(ROSE NOVENARIO)