NAKAHANDA si Pangulong Rodrigo Duterte na bumaba sa puwesto at ipasa ang po-der sa ikinasang “military junta” sakaling madesmaya ang mga sundalo sa kanyang liderato.
“Hindi na kailangan kayong mag-coup d’état-coup d’état. Dagdagan ko lang ng opisyal ‘yung iba, e ‘di kayo na, inyo na. Kompleto na,” sabi ng Pangulo sa pagbisita sa mga sundalo sa Brigadier General Benito N. Ebuen Air Base sa Lapu-Lapu City, Cebu, kamakalawa.
Binigyan-diin ng Punong Ehekutibo, hindi kailangan mag-away o patalsikin siya sa puwesto ng mga rebeldeng sundalo dahil itinalaga niya sa puwesto ang ilang mahuhusay na heneral gaya nina DENR Secretary Roy Cimatu, AFP Chief of Staff Eduardo Año na magiging DILG secretary, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Presidential Adviser on Military Affairs Arthur Tabaquero at iba pa.
“Sabihin lang ninyo at aalis ako. Itong Gabinete ko puro na… E kung wala ‘yung sa Marawi, General Año by this time could have been the DILG. Nandiyan na si Roy Cimatu, nandiyan na si Delfin, nandiyan si Secretary Tabaquero,” aniya.
“If you think that I am doing a disservice already, tell me, and we can always make an arrangement. You do not have to kill me. You will get nothing kung patayin ninyo lang ako. Matanda na ako. The remaining years of my life, just like what you do, dedicate it to the service of my country,” dagdag ng Pangulo.
(ROSE NOVENARIO)