SINALAKAY ng mga operatiba ng NBI Anti-Human Trafficking Division, Muntinlupa City Police, at City Social Welfare ang “Bikini Open” na ginanap sa Angelis Resort sa Brgy. Poblacion, Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Mahigit 100, karamihan ay mga lalaki, ang dinampot at dinala sa police station para humarap sa interogasyon nang abutan silang nag-iinoman at nanonood ng tinaguriang ‘Bikini Open.’ Pinakawalan din sila kalaunan.
Ayon kay S/Supt. Dante Novicio, hepe ng Muntinlupa Police, isang magulang ang dumulog sa NBI kaugnay sa natu-rang event na sasalihan ng kanyang anak. Sinasabing ‘for a cause’ ang naturang ‘Bikini Open’ na naglalayon makaipon ng pera para sa isang may sakit, ngunit ayon kay Novicio, ipinara-raffle ang mga babae para i-take home.
Sa internet aniya ibi-nebenta ang mga ticket sa halagang isang libong piso ang isa.
Nasagip ang nasa 10 babae, kabilang ang tatlong menor de edad.
Pitong organizer ang ikinulong, kabilang ang head na si Girlie Santos, nahaharap sa kasong paglabag sa anti-trafficking in persons act at anti-child abuse law.
Bukod sa kanila, apat na lalaki ang inaresto, kinilalang sina Henry Alfiler, Jonathan Or, Jeffrey Santiago, at Mariano Paular, Jr., nang mahulihan ng baril na hindi lisensiyadong at mga bala.
Dinala sa kustodiya ng City Social Welfare ng Muntinlupa ang mga babaeng sinagip.
ni ALMAR DANGUILAN