TINANGGAP ng isang lady police colonel ang malaking halagang ipinadala ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa mga teroristang grupo sa Filipinas.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa ika-119 anibersaryo ng Philippine Navy sa Sasa Wharf sa Davao City, lumabas sa imbestigasyon, kay PNP Supt. Cristina Nobleza ipinadala ang malaking pondo ng ISIS para sa paglulunsad ng mga pag-atake sa bansa.
“Nakukuha namin ‘yung ipinapadala nila by just examining papers and one of those who were really this recipient of a huge amount was a member of the Philippine National Police, ‘yung si Nobleza,” ani Duterte.
Si Nobleza ay nadakip sa Bohol noong Abril kasama ang karelasyon na si Renierlo Dongon, umano’y Abu Sayyaf Group (ASG) bomb maker, habang tangkang sagipin ang mga kasamahang terorista sa lalawigan.
Bago naaresto, si Nobleza ay deputy chief sa PNP Crime Laboratory office sa Davao Region, nauna rito’y sa Intelligence Group, sa PAOCC at office of the PNP chief at PNP-Anti Illegal Drugs Group (AIDG).
“She was not only in cahoots but she was an active player in the terrorism business. She’s the one that was apprehended by the military in Bohol when she tried to extricate the remaining Abu Sayyaf who were on the run at that time,” dagdag ng Pangulo.
Ipinagmalaki ni Duterte na neutralisado na ang lahat ng teroristang dumayo sa Bohol at sana’y magsilbi umanong leksiyon sa mga terorsita na huwag nang magtangkang magtungo sa Visayas.
Sinabi ni Duterte, mapipilitan siyang suspendihin ang writ of habeas corpus sa Visayas kapag nagpumilit ang mga terorista na magkuta sa Visayas upang madali silang dakpin ano mang oras nang walang warrant of arrest.
“I am worried about an ideology that wants to supplant the Filipino way of life. Iyan ang problema. They are trying to correct a way of living for everybody and they do it by killing people invoking the name of God and that is a very terrible ideology. It does not know anything except to waste human lives,” aniya.
Ipinarating ni Duterte ang kanyang pakikiramay sa naulila ng mga militar at pulis na nagbuwis ng buhay para iligtas sa mga terorista ang bansa.
(ROSE NOVENARIO)