POSITIBO sa ilegal na droga ang pulis na pumatay sa kanyang mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Commonwealth, Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, positibo sa droga si PO2 Roal Sabiniano, 38, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office-RPSB, sa isinagawang drug test ng QCPD Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Nang iharap ni Eleazar sa mamamahayag si Sabiniano kahapon, inamin ng pulis na huli siyang gumamit shabu nitong nakaraang linggo.
Dagdag ni Sabiniano, hindi niya pinagsisihan ang pamamaril sa kanyang misis na si Mary Jane, dahil sa pagiging bungangera, habang nadamay lamang ang kanilang anak na si Aljon Dave, 13-anyos.
Nitong 28 Mayo 2017, dakong 1:15 pm, nagtalo ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay sa Unit 5, Purok 14, Uwak St., Brgy. Commonwealth, Quezon City, nagresulta sa pamamaril ng pulis sa asawa na namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente.
Habang si Aljon Dave ay nadamay nang yakapin ang kanyang ina nang makitang babarilin ng kanyang ama.
Inamin din ng pulis na kanya pang sinaksak sa puso ang anak dahil ayaw niyang makitang nahihirapan pa sa paghihingalo sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Kaugnay nito, nasa loob din ng bahay ang panganay na anak ng pulis at nasaksihan ang lahat ngunit sinenyasan siya ng ama na tumakbo palabas at isama ang kanilang bunsong isang taon gulang.
Bagamat, itinanggi ng suspek na nakagamit siya ng shabu nang mangyari ang krimen, naniniwala si Eleazar na posibleng nasa impluwensiya ng ilegal na droga si Sabiniano nang patayin ang mag-ina.
(ALMAR DANGUILAN)