BOKYA ang pambu-bully ng i-lang bodyguards ni Korean actor Kim Soo Hyun laban sa in-house reporters ng Airport Media nang tangkain nilang pigilan na kumuha ng video footage ang mga mamamahayag sa mismong Immigration arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 sa lungsod ng Pasay kahapon.
Dakong 11:00 am nang dumating ang grupo ng aktor na bida sa My Love From The Star na napapanood sa GMA Telebabad primetime.
Patungo sila sa Immigration area, nang salubungin ng mga mamamahayag na kukuha ng video footages.
Isa-isang nilapitan ng mga Korean security staff at hinarang ng kanilang kamay ang in-house reporters na sina Raoul Esperas ng DWIZ/ ABS-CBN stringer; Jeanette Andrade, Phil. Daily Inquirer; Ariel Fernandez, GMA stringer at Jojo Sadiwa.
Nagbanta ang mga bodyguards ni Hyun na sisirain nila ang cellphones, iPod touch at iba pang electronic gadgets ng newsmen kapag ipinagpatuloy ang pagkuha ng video sa Korean actor.
Hindi natinag ang grupo ng airport media kaya’t humantong sa mainitang pagtatalo hanggang mamagitan ang isang Immigration official at pinagsabihan ang bodyguards ng aktor na mayroong access ang in-house reporters na magkober sa lahat ng terminals ng pambansang paliparan.
Si Hyun ay bumisita upang gumawa ng promotion para sa isang sikat na mobile company sa Filipinas. (JSY)