NILAGDAAN ang “letter of intent” ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kahapon, bilang pagpapakita ng interes ng Filipinas na mamili ng defense assets sa Poly Technologies, isa sa state-owned defense manufacturing and exporting firms ng China.
Aalamin ni Lorezana ang mga pangangaila-ngan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngunit ipinahiwatig niya na maaaring ito’y “airplanes, drones, fast boats.”
Gagamitin aniya ang fast boats para tugisin ang mga bandido sa Basilan, Tawi-tawi at Sulu.
Si Lorenzana ay kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtungo sa China para sa dalawang araw na Belt and Road Forum.
Magpapadala siya ng technical working group sa China upang tingnan ang mga produkto ng Poly Technologies.
Ang pondong laan para sa AFP modernization ang gagastusin, aniya sa pagbili ng military equipment at kapag kinapos ay saka lamang tatanggapin ang iniaalok na $500-M loan package ng China.
Matatandaan, noong nakaraang taon ay ipinatigil ng US State Department ang balak na pagbebenta ng 26,000 assault rifle sa Philippine National Police (PNP) bunsod nang pagtutol ni Sen. Ben Cardin, ang top Democrat sa Senate Foreign Relations Committee, sanhi ng mga isyu ng human rights violations sa Filipinas.
Nagpahayag din ng kahandaan ang Russia na mag-supply ng armas sa Filipinas sa bilateral meeting nila ni Duterte noong nakalipas na taon sa Peru.
ni ROSE NOVENARIO